Paano nga ba malalaman na mahusay at epektibo ang isang guro?

Heto ang ilan sa mga katanungang bumabagabag sa akin bilang isang guro:

  • Kapag ba matataas ang nakuhang marka ng mga estudyante sa kanilang mga pagsusulit ay masasabi ba nating epektibo ang isang guro?
  • Kapag ba gumamit ng naaakmang estratehiya o pamamaraan ang guro sa pagtuturo ay masasabi ba nating mahusay siya?
  • Kapag ba napabago ng guro ang masasamang ugali ng kanyang mga estudyante ay masasabi ba nating magaling siya?
  • Kapag ba naituro ng guro ang sa tingin niya’y dapat malaman ng mga mag-aaral subalit hindi nila ito naisasagawa sa kanilang buhay ay masasabi ba nating hindi epektibo ang guro?
  • Ang pag-aaral ba ng “Values Education” ay nabibigyang hustisya o nagsisilbi lamang itong moro-moro o pakitang tao lamang?

Kadalasan matutuwa ka kung ang lahat ng iyong mga estudyante ay nakakuha ng matataas na marka sa pagsusulit. Dahil na rin sa paniniwala  na nakapagturo ka ng maayos at nabigyang-ganyak sila para mag-aral nang mabuti. Subalit kung minsan ay mapapaisip ka rin kung magagamit ba nila ang mga natutuhan nila sa tunay na buhay? Noong nagtuturo pa ako ng Araling Panlipunan III (Kasaysayan ng Daigdig) ay masasabi kong nakuha ko ang atensiyon at naganyak ko ang mga estudyante ko na mag-aral nang mabuti sa asignaturang iyon. Pati ng mga kapwa ko guro ay nagtataka kung bakit matataas ang mga nakukuhang marka ng aking mga estudyante.Sa sarili ko ay alam kong nagturo ako nang mahusay, subalit ngayon ay napag-isip-isip ko kung ano nga ba ang tunay na natutuhan sa akin ng mga bata. Naituro ko ba ang kahalagahan ng Hustisya? Kagandahan? Katotohanan? O simpleng pinamemorya ko lang sila ng mga bagay na hindi naman nila magagamit sa kanilang buhay. Naging epektibo ba akong guro o epektibong tagaganyak lamang?

Mahirap maging isang guro kung marami kang teknikalidad na inaalala. Kaya ako, kapag nagtuturo ay hinahayaan kong mapunta sa kung saan man ako dadalhin ng aking imahinasyon. Masama mang sabihin, pero hindi ko lubusang nasusunod ang aking banghay-aralin. Kung anong pumasok sa kokote ko yun ang gagawin ko sa klase. Sabi nga nila na ang mahusay na guro ay gumagamit ng mga pamamaraan na akma para sa pagkatuto ng mga bata. Pero bakit may mga batang mas nakakaangat kapag makaluma ang pamamaraang ginagamit ng guro at may mga bata naman na mas magaling sa makabagong pamamaraan ng pagtuturo? Ang tanong ay ano nga bang pamamaraan ang dapat gamitin para makaangat lahat ng mag-aaral?

Ang mga guro raw na disiplinado at istrikto ay nakapagpapabago ng ugali ng mga estudyanteng magugulo at malilikot. Sa tingin ko ay dahil sa takot pero kapag sa ibang guro na mas maluwag ay iba naman ang trato. Kung minsan hindi mo alam kung paano mo didisiplinahin ang iyong mga estudyante. May mga nadadaan sa mahinahong pakikipag-usap at mayroon naman nadadaan sa paninindak at ang malungkot pa ay mayroon ding hindi mo madadaan sa anumang bagay. Sa aming paaralan ay may kapwa guro akong iniidolo pagdating sa pagdidisiplina sa klase. Pagpasok sa room niya ay talagang napakalinis at organisado lahat at ang mga estudyante niya ay napakatahimik. Naalala ko nung may “Most Disciplined Class” na paligsahan sa paaralan ay laging klase niya ang nananalo. Pero bakit nung mapunta na sa akin ang mga naging estudyante niya ay pakiramdam ko ay hindi ko sila kayang disiplinahin na tulad ng ginagawa niya. “Medyo” maluwag kasi ako sa mga bata. Pero ang napansin ko ay mas naging bukas ang mga bata sa akin pagdating sa pagsabi ng kanilang mga problema kaysa raw dati. Nakakahiya mang sabihin na yung mga matitino noong estudyante niya ay sila namang laging nasususpend nang ako’y maging adviser nila. Iniisip ko tuloy na wala akong kwentang guro. Hindi ko ba sila napaalalahanan nang wasto at sapat?

Ang dami kong nakadaupang-palad na matatalinong estudyante. Halos lahat ng pagsusulit ay kanilang nape”perfect”. Aktibo rin sila sa iba pang gawaing pang-eskwela. Ang problema nga lang ay kung bakit kapag sila’y nagtapos na ay parang nakalimutan na nila lahat ng kanilang mga pinag-aralan. Kasi may mga napapabalitang nabuntis nang maaga o kaya naman ay tumigil sa pag-aaral dahil hindi makayanan ang “pressure” ng buhay kolehiyo. Ano nga ba ang silbi ng daan-daang oras na ginugol sa paaralan kung wala rin palang silbi ang mga ito para sa iilan?

At isa rin sa kinakabagabag ko ay ang pagtuturo ng “Values Education” sa mga paaralan. Isa akong VE teacher at kung minsan ay medyo naasiwa rin ako sa tinuturo ko dahil ako mismo ay sumusuway sa mga turong ito. At kung minsan ay nabubwisit ako kapag ang mga estudyante ko ay nakakakuha ng matataas na marka sa pagsusulit subalit kapag sa tunay na buhay naman ay hindi nila magawa lalo na ang pagiging matapat kapag may pagsusulit. “Bawal ang mangopya”. Buhay nga naman. “Para sa iyo sino ang mas itinuturing mong mas “may pinag-aralan” na tao: si Rancho ( namimilosopo noon sa guro ) o si Chatur ( na masunurin at magalang sa guro)? “Si Chatur po kasi po hindi siya namimilosopo sa kanyang mga guro”, sabi nung estudyante ko na kung makapamilosopo sa tunay na buhay ay wagas. Kung minsan umaayon na lang sila sa wasto para lamang masabi ng guro na tama ang kanilang sinabi pero hindi naman talaga nangyayari sa tunay na buhay.

Sino nga ba ang epektibong guro? Marahil walang nakakaalam.

3 thoughts on “Paano nga ba malalaman na mahusay at epektibo ang isang guro?

Mag-iwan ng puna